Nagpahayag ng suporta ang mayorya ng mga nasa sektor ng transportasyon sa dalawang kandidato sa pagka-senador sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Ito’y kasunod naman ng isinagawang proclamation rally ng Ako Ilocano Ako Partylist sa pangunguna ni Richelle Singson na anak ni dating Narvacan Mayor Luis Chavit Singson, ngayong araw.
Ayon sa mga grupong Pasang Masda, Liga ng Transportasyon sa Pilipinas (LTOP), ACTO at iba pa kabilang sa kanilang sinuportahan ay ang mga nagbabalik na sina Sen. Tito Sotto at Panfilo Lacson.
Giit ni Singson, bukod sa mga bagong unit na ibebenta sa mga tsuper at operator sa abot-kayang halaga nais din niyang bigyan ang mga ito ng pabahay, insurance at retirement plan.
Para kay Lacson, dapat pakinggang maigi ang hinaing ng mga nasa sektor ng transportasyon kaya’t iminumungkahi niyang huwag nang alisin sa mga tsuper ang kanilang prangkisa. | ulat ni Jaymark Dagala