Nakipagpulong si Alyansa para sa Bagong Pilipinas senatorial candidate Manny Pacquiao sa Liderato ng Senado.
Sa meeting ng boxing icon kina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Senador Joel Villanueva, tinalakay ang pagpapalakas ng ugnayan sa paggawa ng batas, pagsusulong ng mga polisiyang maka-mahirap at mga inisyatiba para paglago.
Binigyang-diin ng pambansang kamao ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga mambabatas upang maisulong ang mga repormang may direktang pakinabang sa sambayanang Pilipino.
Aniya, handa siyang makipagtulungan sa mga beteranong lider gaya nina SP Chiz at Senador Joel upang isulong ang mga batas laban sa kahirapan, pagpapalakas ng kabataan, at pagtatanggol sa ating pambansang interes.
Tinalakay rin sa pulong ang mga prayoridad sa paggawa ng batas tulad ng edukasyon, programang libreng pabahay para sa mga mahihirap, pagpapa-unlad ng sports, kabuhayan, at pampublikong kalusugan.
Tinalakay rin ang mga pangmatagalang estratehiya para sa pagbangon ng ekonomiya, mga inisyatibang kontra-korapsyon, at pagpapabuti ng serbisyo publiko—mga palatandaan na ang pagbabalik ni Pacquiao sa pulitika ay hindi lamang basta pagbabalik, kundi isang mas pinatibay na plataporma para sa mga kapakanan ng masa. | ulat ni Melany Reyes