Nananatiling nakatuon ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa pagpapa-abot ng plataporma ng senatorial candidates sa mga Pilipino sa kabila ng pag-alis ni Sen. Imee Marcos sa koalisyon.
Ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Alyansa, nirerespeto nila ang desisyon ng senadora at hangad nila ang ikatatagumpay niya.
Gayunman, sa parte ng Alyansa, tuloy-tuloy lang din aniya ang kanilang pangangampanya.
“Yes, Senator Imee has decided na hindi na po siya sasama sa Alyansa, and we respect her decision and wish her luck. Kami naman, tuloy-tuloy lang po ’yong kampanya namin,” saad ni Tiangco sa pulong balitaan sa Rizal.
Nakatuon aniya ang Alyansa sa pagpapaabot ng mensahe sa taumbayan ng kakayanan, track record at kapabilidad na matulungan ang adminsitrasyong Marcos sa nalalabi nitong tatlong taon.
“‘Yung 11 kandidato namin ay talagang kung pagbabasehan ang track record at ‘yung kaya pang gawin, ay talagang sila po ang makakatulong para suportahan ‘yung remaining three years ni President Bongbong Marcos. Ang gusto namin is mapabilis ang development dito sa ating bansa at mapabilis ‘yung pag-angat ng buhay ng ating mga kababayan,” dagdag ni Tiangco.
Sabi pa ni Tiangco na sa pamamagitan ng paglalatag ng track record ng labing isang kandidato ng Alyansa ay mas makikita ng taumbayan na kaya talaga tuparin ng senatorial bets ang kanilang mga ipinapangako at plataporma. | ulat ni Kathleen Forbes