Handa ang Department of Social Welfare and Development na tumanggap ng mga reklamo, tanong, o iba pang alalahanin ng publiko sa kagawaran nang hindi kailangang ilahad ang pangalan o sensitibong personal na detalye ng kliyente.
Ayon kay DSWD Dir. Clarissa Lara Duran, sa ilalim ng online grievance system ng DSWD na tinatawag na ‘Integrated Grievance Redress Management System’ (IGRMS), maaaring magsumite ang mga kliyente ng kanilang complaints o tanong nang hindi kailangang magpakilala.
Paliwanag ni Duran, hihingin lamang ang email address at contact number upang makapagbigay ng tugon at update ang grievance team hinggil sa progreso ng reklamo o concern.
Tiniyak naman nitong mananatili ang ‘confidentiality’ sa nagreklamo dahil hindi maa-access ng iba ang personal na impormasyon ng nagpadala nang walang pahintulot.
Alinsunod na rin ito sa Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act of 2012.
Bukod sa IGRMS webpage, maaari ring magpadala ng concerns o tanong ang publiko sa mga numerong: 0917-110-5686 at 0917-827-2543 para sa Globe users at 0919-911-6200 para sa Smart users. | ulat ni Merry Ann Bastasa