Kumbinsido ang Philippine Statistics Authority (PSA) na malaki ang naitutulong ng National ID authentication para sa mas epektibong paghahatid ng serbisyo at mas maayos na transaksyon sa publiko.
Ayon sa PSA, sa pamamagitan ng authentication services ng National ID, natitiyak ang pagkakakilanlan ng isang indibidwal gamit ang facial recognition, fingerprint scanning, o iba pang natatanging credentials tulad ng National ID Card Number.
Sinabi rin PSA Chief Undersecretary Claire Dennis Mapa, na nagbibigay ito ng mas mataas na antas ng seguridad kumpara sa ibang ID kaya mas naiiwasan ang pandaraya sa transaksyon.
Inihalimbawa ng PSA ang pakinabang ng authentication ng National ID sa 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan ginagamit ang fingerprint scanning at facial recognition na beripikahin ang mga benepisyaryo tuwing Family Development Sessions (FDS).
Para naman sa iba pang serbisyo ng gobyerno, tulad ng pagkuha ng civil registry documents, tinitiyak ng National ID authentication na ang tamang tao lamang—o ang awtorisadong kinatawan—ang makatatanggap ng dokumento.
Habang sa mga bangko at iba pang financial institutions, ang paggamit ng National ID authentication ay nagpapabilis at nagpapadali ng identity verification. | ulat ni Merry Ann Bastasa