Pormal na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinakabagong barkong pandigma ng bansa na isang corvette na papangalanang BRP Miguel Malvar.
Pinangunahan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., ang pagtanggap sa barko kasama ang ilang opisyal ng AFP sa isang seremonya sa Naval Operating Base sa Subic, Zambales ngayong araw.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Secretary Teodoro na ang pagdating ng barko ay mahalagang hakbang para sa pagkakaroon ng “self-reliant” at “credible defense posture.”
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga tauhan ng AFP at ang papel ng BRP Miguel Malvar sa pagtatanggol ng karagatan at sa pakikipagtulungan sa mga kaalyadong bansa.
Ang pagdating ng bagong barko ay bahagi ng Horizon 2 ng Revised AFP Modernization Program na layong palakasin ang kakayahan ng bansa sa naval defense sa gitna ng tumitinding seguridad sa rehiyon.
Tiniyak naman ng AFP na patuloy ang pagsisikap ng militar na siguruhing ligtas, protektado, at handa ang Pilipinas sa anumang banta. | ulat ni Diane Lear