Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Russian vlogger na naging viral sa social media matapos ang pangha-harass sa ilang Pilipino sa Bonifacio Global City sa Taguig, sa Boracay, at iba pang lugar sa bansa.
Kinilala ang banyagang suspek na si Vitaly Zdorovetskiy, 33-taong gulang, na idineklarang undesirable alien dahil sa kanyang mga aksyon sa publiko.
Ayon sa ulat ng BI Intelligence Division, inaksyunan agad ang reklamo matapos maghain ng Police blotter ang isang security guard sa BGC, kung saan lumalabas na inabala at ininsulto ng dayuhan ang ilang Pinoy habang kinukuhanan ng video ang kanyang vlog.
Kasama ang PNP Makati at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ikinasang operasyon para sa pagkaka-aresto.
Si Zdorovetskiy ay kasalukuyang nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang hinihintay ang deportation proceedings.
Giit ng BI, bukas ang Pilipinas sa mga bisita, pero dapat igalang ang ating kultura at batas. Hindi palalampasin ang anumang uri ng panliligalig o pambabastos sa ating mamamayan. | ulat ni Lorenz Tanjoco
PNA