Binigyang-diin ng Bureau of Immigration ang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa mga dayuhang bumibisita sa bansa, kasunod ng pagkakaaresto sa isang Russian vlogger na nangharass at nambastos ng mga Pilipino sa Bonifacio Global City at sa iba pang lugar sa Pilipinas.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, bukas ang Pilipinas sa mga turista, ngunit may hangganan ang pagkamagiliw ng mga Pilipino.
Aniya, ang mga banyagang hindi marunong rumespeto sa mga batas at kultura ng bansa ay pananagutin.
Dagdag pa ni Viado, ang harassment at anumang uri ng kaguluhan ay hindi katanggap-tanggap sa Pilipinas.
Giit ng opisyal, ito ay bahagi ng mandato ng pamahalaan na protektahan ang kaligtasan at dignidad ng bawat mamamayang Pilipino.
Umaasa din si Viado na magiging tanda ang pagkaka-aresto sa Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na bagamat bukas ang bansa sa mga bisita ay tiyak namang mahaharap ang mga ito sa kaukulang parusa sakaling hindi nito igalang ang kultura at mamamayan ng bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco