Ibinunyag ng mga na-repatriate mula Myawaddy, Myanmar na may bagong operasyon ngayon ang mga scam hub na nakatuon sa mga kababayan nating migrante sa U.S.
Sa inilabas na pahayag ng Bureau of Immigration (BI), ginagamit umano ng mga scammer ang social media para hikayatin ang mga Pilipino na mamuhunan sa pekeng cryptocurrency investment.
Dagdag pa ng BI, sa una, pinapakita pang tumutubo ang pera ng biktima, pero kapag lumaki na ang ininvest, bigla na lang nawawala ang mga scammer kasama ang pera ng biktima.
Isa sa mga na-repatriate ang nagsabing ang kasamahan nilang si alyas “Jon Jon” ang nagboluntaryo umanong gumawa ng bagong paraan para lokohin ang mga Fil-Am.
Lumalabas din sa imbestigasyon na si “Jon Jon” ay isa sa mga recruiter at hindi totoong biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad, at pinaigting ang kampanya laban sa human trafficking at online scam.
Pinapayuhan ng ahensya ang publiko, lalo na ang mga nasa abroad, na huwag basta-basta magtitiwala sa mga online investment offers. | ulat ni Lorenz Tanjoco