Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa bagong modus ng human trafficking kung saan pinalalabas na mga misyonaryo ang mga biktima upang makalusot sa airport.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, naharang noong Abril 1 sa NAIA Terminal 3 ang tatlong kababaihan na nagpanggap bilang church missionaries papuntang Thailand.
Pero sa imbestigasyon, lumabas na ang dalawa sa kanila ay lisensyadong guro na ni-recruit para sa iligal na trabaho sa isang paaralan sa ibang bansa.
Ang babaeng kasama nila na nagpakilalang preacher at recruiter, ay inaresto ng NBI noong Abril 3 matapos mapatunayang wala siyang lisensya mula sa Department of Migrant Workers.
Tinukoy ng BI na kahalintulad ito ng “bitbit” scheme, kung saan isang tao ang kumukuha ng iba para sa iligal na trabaho sa ibang bansa gamit ang pekeng layunin.
Ang mga biktima ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT). | ulat ni Lorenz Tanjoco