Pinag-iingat ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko laban sa mga pekeng job offers sa social media na ginagamit ng mga human trafficking syndicates upang hikayatin ang mga Pilipino na magtrabaho sa mga scam hub sa ibang bansa.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy ang pagdami ng mga kaso ng catphishing scams, kung saan niloloko ang mga biktima gamit ang mapanlinlang na online job ads.
Noong 2024, umabot sa 125 ang naitalang kaso ng ganitong uri ng scam, bukod pa sa apat na indibidwal na naharang sa NAIA noong Marso 28 bago sana makalipad patungong Malaysia.
Target ng mga sindikato ang mga college graduate mula sa NCR at mga karatig-probinsiya, na kinukumbinsi gamit ang pangakong mataas na sahod. Kalaunan, pinipilit silang gumawa ng pekeng online profiles na ginagamit sa mga scam operations. Telegram at Facebook ang pangunahing ginagamit ng mga recruiter upang makuha ang loob ng mga biktima.
Noong nakaraang buwan, 206 na Pilipino ang na-repatriate mula sa Myanmar matapos mapilitang magtrabaho sa mga scam hub doon.
Tiniyak naman ng BI na patuloy silang makikipagtulungan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at iba pang ahensya upang tugisin ang mga sangkot at protektahan ang mamamayang Pilipino laban sa human trafficking.
Kaugnay nito, muling kinilala ang Pilipinas sa ika-siyam na sunod na taon nitong 2024 sa Tier 1 ng U.S. Trafficking in Persons Report — isang pagkilalang ibinibigay sa mga bansang lubos na tumutupad sa minimum standards ng Trafficking Victims Protection Act (TVPA) para wakasan ang human trafficking. | ulat ni EJ Lazaro