Ininspeksyon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang BIR Revenue Region No. 6 – Manila para makita ang sitwasyon sa huling araw ng filing ng 2024 Annual Income Tax Return.
Ayon kay Lumagui, malaking porsyento ng mga Pilipino ang gumagamit na ng online filing dahilan kaya maluwag ang opisina ng BIR ngayon.
Dagdag pa ni Lumagui, wala na silang ipatutupad na anumang extension dahil naging mahaba na ang kanilang kampanya at panawagan sa publiko para makapagbayad ng karampatang buwis.
Sa oras aniya na hindi makahabol ang sinuman sa deadline ngayong araw ay tiyak na mapapatawan ang mga ito ng 12% interest at may karagdagan pang 25% surcharge.
Dahil dito ay inilunsad ng BIR Revenue Region No. 6 – Manila ang isang dedicated filing center para sa mga nagpa-file ng kanilang Annual Income Tax Return (AITR).
Ito ay sa ilalim ng temang “Buwis na Tapat, Tagumpay Nating Lahat,”
Ayon sa BIR, bukas ang filing center mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ngayong araw, April 15 sa ikalawang palapag ng Building 1, BIR Regional Office.
Layon nitong tulungan ang mga taxpayer sa email account creation, EFPS uploading, at iba pang proseso ng tax filing.
Sakop ng BIR Manila ang lungsod ng Maynila at buong lalawigan ng Palawan, na nahahati sa pitong Revenue District Offices. | ulat ni Lorenz Tanjoco