Patuloy na pinalalakas ng Bureau of Customs (BOC) ang proseso ng kalakalan at pag-unlad ng mga sistema ng adwana sa rehiyon ng ASEAN.
Ito ay matapos lumahok ang Pilipinas sa ika-38 ASEAN Customs Procedures and Trade Facilitation Working Group Meeting na ginanap sa Phuket, Thailand.
Pinangunahan nina Col. Rechilda Oquias ng BOC External Affairs Office at Ms. Trisha Lorraine Aguasa ang delegasyon ng Pilipinas kung saan tinalakay ang mga hakbang para mapabilis ang customs clearance, mapabuti ang valuation guidelines, at labanan ang smuggling at iligal na transshipment sa rehiyon.
Ibinida rin ng Pilipinas ang Customs Administrative Order 01-2025 na naglalayong gawing mas mabilis ang proseso sa mga imported goods mula sa e-commerce platforms.
Ayon sa BOC, ang mga inisyatibong ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang modernisasyon sa mga sistema ng kalakalan bilang suporta sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Natapos ang pulong sa pagkakasundo ng mga bansa sa ASEAN na ipagpatuloy ang kooperasyon para sa pagbuo ng mas makabago at episyenteng customs processes sa mga darating na taon. | ulat ni Lorenz Tanjoco