Pinaigting ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang adbokasiya sa knowledge management matapos magdaos ng dalawang-araw na awareness seminar ngayong Abril 2 hanggang 3, 2025 sa Bayleaf Hotel, Intramuros, Maynila.
Layunin ng seminar na suportahan ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN Customs at isulong ang Strategic Plan of Customs Development o SPCD 14, na nakatuon sa knowledge management.
Tinalakay rito ang mga epektibong paraan, hamon, at estratehiya sa pagpapaigting ng kaalaman at kakayahan sa proseso ng adwana. Isa ring tampok ang pagiging country coordinator ng Pilipinas sa KM ng ASEAN Customs simula sa susunod na taon.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ang hakbang na ito ay patunay ng dedikasyon ng BOC sa pagbabahagi ng kaalaman at patuloy na pag-unlad ng kanilang serbisyo. | ulat ni Lorenz Tanjoco