Suportado ng veteran broadcaster at dating Vice President Noli De Castro ang ginagawang imbestigasyon ng Tri Committee para labanan ang fake news at disinformation.
Sa kaniyang pagdalo sa pulong ng Komite, sinabi niya na kahit silang mga broadcaster at media practitioner ay biktima ng “fake news” lalo na ng papausbong na deepfake at artificial intelligence.
Inihalimbawa niya ang ilang quote cards na kumakalat sa social media, na pinalalabas na sinabi niya kahit hindi naman pati na ang pekeng balita na pumanaw na siya.
Ayon kay de Castro, mahirap pigilan ang advanced at lumalawak na teknolohiya.
Pero kailangan aniya na sabayan ito ng malawakang pagkilos, at edukasyon para sa publiko.
Naniniwala naman si De Castro na may malaking responsibilidad ang social media platform gaya na lang ng META sa paglaganap ng fake news.
Saad niya sa kaniyang karanasan, hindi rin niya agad nalaman na kailangan pala i-report ang mga fake news na ito.
“Naniniwala ho ako na ang Meta ay malaki ang responsibilidad dahil sila ang [may] means para maipakalat ‘yun eh, wala namang iba. Kung Facebook halimbawa, Facebook lang ang magpapakalat niyan. Wala nang iba. Facebook to Facebook. ‘Yung mga may Facebook,” ani De Castro.
Paalala pa nya na hindi lang responsibilidad ng social media personalities ang pagbabantay sa mga nilalaman ng kanilang content bagkus ay ay maging ang social media platforms.
Dagdag pa niya na maging sila nga mga mamamahayag, kung may naging paglabag sa Code of Ethis ng KBP, mismong ang kanilang kompanya na ang nagdisisiplina sa nagkamaling broadcaster. | ulat ni Kathleen Forbes