Dumating na ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) sa Laem Chabang Port, Chonburi, Thailand para sa tatlong araw na port visit, bilang bahagi ng tri-country mission ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PCG, mainit na sinalubong ang barko at ang crew nito sa pangunguna ni Captain Eliezer Ibarrientos ng mga opisyal ng Thailand Maritime Enforcement Coordinating Center (Thai-MECC).

Layunin umano ng pagbisita na palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Thailand sa larangan ng maritime security, sa pamamagitan ng bilateral meetings, vessel tour, at cultural exchange activities.
Bahagi rin ito ng pagsisikap ng Pilipinas bilang aktibong miyembro ng ASEAN Coast Guard Forum na isinusulong ang mas matatag na kooperasyon sa rehiyon.
Dagdag pa ng PCG na mula Thailand, inaasahang tutungo rin ang BRP Gabriela Silang sa Malaysia at Vietnam. | ulat ni Lorenz Tanjoco
