Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na kabilang sa tatalakayin ng Monetary Board sa kanilang nakatakdang policy meeting sa Abril 10 ang 1.8 percent inflation at mga pagbabago sa global trade developments.
Ginawa ng BSP ang pahayag kasunod ng pagbagal ng inflation noong Marso 2025, na pasok sa inaasahang forecast range ng BSP na 1.7 hanggang 2.5 porsyento.
Ayon sa BSP, ang resulta ng inflation ay naaayon sa kanilang pagtataya na mananatiling nasa loob ng target range ang inflation sa mga susunod na buwan, dulot ng pagbaba ng taripa sa bigas at pagluwag ng presyo ng mga bilihin sa pandaigdigang merkado.
Gayunpaman, nananatiling balanse ang mga panganib sa inflation outlook para sa 2025 at 2026.
Sa gitna ng mga ito, ipinahayag ng BSP na magpapatuloy sila sa maingat at kalkuladong diskarte sa pagpapaluwag ng monetary policy, upang matiyak ang price stability na makatutulong sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya at trabaho.
Ang anumang pasya sa pagbabago ng interest rate ay mananatiling nakabatay sa mga datos.
Inaasahang gagamit ang BSP ng pinakabagong Consumer Price Index (CPI) at iba pang lokal at global information bilang batayan sa kanilang desisyon sa darating na pulong. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes