Nagpalabas ng ilang paalala ang Police Regional Office 4A sa mga motorista upang maiwasan ang road rage at upang manatiling kalmado habang nagmamaneho.
Ayon kay CALABARZON Police Director, Brig. Gen. Kenneth Lucas, dapat planuhin ng maaga ng mga motorista ang kanilang biyahe at maglaan ng sapat na oras upang maiwasan ang pagmamadali.
Dapat din maging matiyaga at tandaan na lahat ay nagkakamali, kaya’t hindi na kailangang magalit sa mga simpleng aberya sa kalsada.
Higit sa lahat, iwasan ang komprontasyon sa mga agresibong driver at laging unahin ang pansariling kaligtasan.
Mahalaga ring panatilihin ang tamang pag-iisip sa bawat sitwasyon, huwag magpapadala sa emosyon at huwag gamitin ang baril dahil sa galit o pananakot.
Sa sandaling makaranas naman ng panganib o pagbabanta, pinakamainam na huminto sa isang ligtas na lugar at agad na tumawag sa 911 o mag-ulat sa pinakamalapit na himpilan ng Pulisya. | ulat ni Jaymark Dagala