Mahigit sa 1,000 pulis ang ipakakalat sa buong Central Luzon bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga magsisipag-uwian sa mga lalawigan sa rehiyon gayundin sa mga bakasyonista ngayong summer season.
Ayon kay Police Regional Office-3 Director, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, magtatatag sila ng nasa 602 Police Assistance Desks sa mga istratehikong lugar upang pigilan ang masasamang balak ng mga kriminal.

Kabilang sa kanilang tututukan, ani Fajardo, ay ang mga matataong lugar gaya ng beach resorts, simbahan, palengke, malls, pasyalan, at iba pa.
Sinabi pa ni Fajardo na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon para sa karagdagang puwersa sa sandaling kailanganin.
Magiging katuwang din ng PRO-3 ang Highway Patrol Group (HPG) para sa pagmamando ng trapiko lalo na sa mga malalaking okasyon gaya ng Araw ng Kagitingan, Semana Santa, mga barrio fiesta, at Flores de Mayo. | ulat ni Jaymark Dagala
