Walang nakitang iregularidad ang Commission on Elections (COMELEC) sa pagiging pansamantalang imbakan ng Starlink devices at solar panels sa isang pribadong lugar sa Barangay Buhangin, Davao City.
Ito ang bagay na kinumpirma ng COMELEC sa isang pahayag ni Atty. Rex Laudiangco, tagapagsalita ng komisyon, na bahagi ang mga kagamitang nakita sa naturang lugar sa Davao ng lehitimong deployment plan para sa 2025 elections.
Ayon sa COMELEC, ang lugar ay isa lamang sa mga temporary staging hub ng iOne Resources Joint Venture, na katuwang ng ahensya sa pagbibigay ng transmission services. Nilinaw ng iOne JV na doon pansamantalang inilalagak ang mga gamit bago ito ikalat sa mga tanggapan ng Election Officers sa rehiyon.
Wala umanong koneksyon ang mga devices sa proseso ng pagbasa at pagbibilang ng boto. Ayon sa kontrata, para lamang ito sa transmission ng election returns.
Gayunpaman, inatasan na rin ang pag-alis ng mga gamit sa lugar at dadalhin na rin ito sa opisyal na mga tanggapan ng COMELEC, na babantayan naman ng mga kawani ng ahensya at PNP.
Pinaalalahanan din ng COMELEC ang publiko at media na sumangguni lamang sa opisyal na impormasyon upang maiwasan ang mga kalituhan at pangamba. | ulat ni EJ Lazaro