Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na ang compound kung saan naabutan ang pitong pulis na itinuturing na mga person of interest sa pamamaril kay Albuera, Leyte mayoralty candidate Kerwin Espinosa ay pag-aari umano ng isang politiko.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Randulf Tuaño, nahuli ang mga pulis sa compound na ito matapos ang habulan ng mga awtoridad.
Gayunman, nakiusap si Tuaño na huwag munang pangalanan ang politiko habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.
Matatandaang binaril si Espinosa noong April 10 habang nangangampanya sa isang covered court sa Albuera, Leyte. Tinamaan siya sa dibdib at dalawa pang indibidwal ang nasugatan sa insidente.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang SUV, ngunit nahabol ito ng mga pulis mula sa Albuera Municipal Police Station at doon nga inabutan sa isang compound na pag-aari ng isang politico.
Kabilang sa mga nahuli ang dalawang opisyal at limang police non-commissioned officers na ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon. | ulat ni Diane Lear