Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakahanda itong ipatupad ang contingency plan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan, sakaling lumala ang tensyon sa nasabing bansa.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, mahigpit ang koordinasyon ng DMW sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) at sa Migrant Workers Offices (MWOs) sa Taiwan para masigurong ligtas at protektado ang ating mga kababayang nagtatrabaho roon.
Nagpasalamat din si Cacdac kay MECO Chairperson at Resident Representative Cheloy E. Garafil sa kanyang aktibong pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Taiwan.
Sinabi ni Cacdac na nananatiling alerto at handa ang DMW sa anumang posibleng panganib para sa kaligtasan ng mga OFW.
Hinimok naman ng DMW ang mga OFW at kanilang pamilya na manatiling kalmado at nagpaalala na i-follow ang mga opisyal na social media accounts ng ahensya upang makakuha ng tamang impormasyon ukol sa sitwasyon. | ulat ni Diane Lear