Naniniwala si Finance Secretary Ralph Recto na may oportunidad sa gitna ng ipinataw na “reciprocal tariff” ng America, partikular sa ASEAN region.
Ang Southeast Asian nation ay kabilang sa mga “hardest-hit” ng mas mataas na taripa na nasa 32% hanggang 49%, maliban ang Pilipinas at Singapore.
Ayon kay Recto, dahil sa mas mababang taripa ang ipinataw sa Pilipinas na nasa 17%, pagkakataon ito para sa ilang investors na nais lumipat sa bansang may mas mababang taripa.
Naniniwala si Recto na maaring maging destinasyon ang Pilipinas para sa global value chains partikular sa industriya ng electronics, textile, food, at automobiles.
Dahil aniya sa “global comparative advantage” ng Pilipinas sa coconut oil naiposisyon ang bansa na iexpand ang market share nitO para sa coconut-based products maging sa garments export kumpara sa China, Bangladesh, Vietnam, Mexico, at India na may mas mataas na taripa.
Samantala, sinabi rin ng kalihim na patuloy na isusulong ng gobyerno ang free trade agreements sa ilang global partners gaya ng United Arab Emirates, Chile, at Canada. | ulat ni Melany Reyes