Photo courtesy of Department of Agriculture RFO X
Ngayong wet planting season, patuloy ang Department of Agriculture (DA)-Regional Field Office X sa pamamahagi ng halos ₱10 milyong halaga ng fertilizer subsidy sa mahigit 7,000 mga magsasaka sa lalawigan ng Misamis Occidental.

Nagsimula na ito noong April 2 hanggang 14 sa 11 bayan at dalawang lungsod sa naturang lalawigan.
Ito ay bahagi ng Fertilizer Discount Voucher (FDV) program ng kagawaran na naglalayong tulungan ang mga magsasaka sa kanilang gastusin sa pataba tulad ng palay.
Makakatanggap ang mga magsasakang may 1,000 sqm hanggang 10 ektaryang palayan na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng ₱3,400 na subsidy kada ektarya.
Ayon sa isang miyembro ng Mialen Lupagan Pan-ay Farmers Irrigators Cooperative (MLPFIC) na si Victoria Ramientos, malaking tulong ito para sa kanilang mga magsasaka at umaasa sila sa patuloy na suporta ng pamahalaan upang mabawasan ang kanilang mga gastusin sa pagsasaka.
Patuloy naman ang pagsisikap ng pamahalaan na suportahan ang mga magsasaka, upang matiyak ang sapat at abot-kayang supply ng bigas at para mas mapalakas pa lalo ang seguridad sa pagkain sa bansa. | ulat ni Sharif Timhar | RP Iligan