Kinilala ng Department of Agriculture (DA) si Assistant Secretary for Policy and Planning Atty. Paz Benavidez II sa kanyang tagumpay bilang chairperson ng UN Commission on Genetic Resources for Food and Agriculture.
Ayon sa DA, maituturing na makasaysayan ang pagkakahirang kay Benavidez dahil siya ang kauna-unahang Pilipinong kinatawan na humawak ng nasabing posisyon.
Ang Commission on Genetic Resources for Food and Agriculture (CGRFA) ay ang natatanging permanenteng intergovernmental body ng United Nations Food and Agriculture Organization (FAO) na nakatuon sa biodiversity para sa pagkain at agrikultura.
Layon nitong bumuo ng mga polisiya para sa sustainable na paggamit, conservation, at patas na pamamahagi ng mga yamang ito.
Bilang kinatawan ng Pilipinas, magsisilbi si Asec. Benavidez bilang tagapangulo ng Komisyon sa loob ng dalawang taon, na magtatapos sa 2027 sa ika-21 sesyon ng Commission on Genetic Resources for Food and Agriculture. | ulat ni Merry Ann Bastasa