Mas magiging istrikto na ngayon ang Department of Agriculture (DA) sa pagbabantay sa compliance ng mga producer, trader hanggang retailer sa MSRP ng karneng baboy.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, maglalatag na ng isang card ang DA para ma-trace ang pinanggagalingan ng mga baboy na ibinebenta sa palengke, at matukoy kung saan nagkakaroon ng pagtaas ng presyo.
Kung mayroon man aniyang mga trader na mapapatunayang hindi sumusunod sa MSRP, isa sa tinitingnang opsyon ng DA ang pagbawi ng kanilang shipping permit.
Sa ngayon, aabot na aniya sa 88 percent ang compliance level ng mga pork producer habang halos 40% naman sa retailers.
Tinututukan na rin ng DA ang mga palengke na may mataas pa ring bentahan ng karneng baboy kabilang ang Pritil Market, Trabajo Market sa Maynila; at Cartimar Market sa Pasay.
Bukod naman dito, nagsimula na rin ang pilot program ng FTI at Thai Company na CP Foods na direktang magsusuplay ng live hogs sa mas murang halaga.
Ayon kay Asec. De Mesa, sa inisyal na usapan ay posibleng mas mababa pa sa MSRP ang magiging bentahan ng baboy na mula sa CP Foods. | ulat ni Merry Ann Bastasa