Pinalalawak ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga programa nito para hikayatin ang kabataang Pilipino na aktibong makilahok sa repormang agraryo, at sa pagpapaunlad ng agrikultura.
Sa pamamagitan ng Stakeholders’ Engagement with the Youth, ipinapakilala ng DAR ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (Project SPLIT), upang hikayatin ang susunod na henerasyon na tuklasin ang mga oportunidad sa agrikultura.
Matagumpay nang naidaos ang mga forum at talakayan sa mga mag-aaral mula sa iba’t ibang unibersidad at paaralan sa Cagayan sa Region 2, Zamboanga Peninsula sa Region 9, at Abra sa Cordillera Administrative Region.
Sa mga sesyon na ito, mas naunawaan ng mga ito ang mga patakaran sa repormang agraryo, ang kahalagahan ng pagmamay-ari ng sariling lupa, at ang epekto nito sa mga pamayanan sa kanayunan.
Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella, magpapatuloy ang Stakeholders’ Engagement with the Youth sa 15 rehiyon sa buong bansa.
Tinitiyak ng DAR, na mas maiintindihan ng kabataan ang kahalagahan ng repormang agraryo sa pagbuo ng mas matatag at mas progresibong sektor ng agrikultura. | ulat ni Rey Ferrer