Isinulong ni dating senador at Alyansa senatorial candidate Ping Lacson ang pagkakaroon ng streamlined disaster response mechanism, pag-update sa Building Code, at pagkakaroon ng national hazard mapping program para mas maayos na matugunan ng bansa ang pagtama ng lindol, bagyo at iba pang kalamidad.
Sa ginanap na Konsultahang Bayan: “A Caucus for Good Governance Beyond Elections”, iminungkahi nitong ilipat ang Office of Civil Defense (OCD) mula Department of National Defense (DND) sa ilalim ng Office of the President (OP) upang maalis ang red tape.
Kung nasa ilalim ng OP ang OCD, mas mapapabilis ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya dahil nasa direktang kontrol ito ng Pangulo.
Inihalimbawa niya ang kaniyang karanasan bilang Presidential Adviser on Recovery and Rehabilitation para sa bagyong Yolanda, kung saan nahirapan aniya siya dahil limitado ang kaniyang kapangyarihan gaya ng OCD ngayon.
Kasabay nito, iginiit ni Lacson na kailangan nang ma-update ang National Building Code, at pagkakaroon ng national hazard mapping program para matukoy ang mga lugar na disaster-prone.
“This should be science-based so highly hazardous areas could be avoided for building structures or at least strengthen structure resilience to meet the standards under an updated building code,” aniya. | ulat ni Kathleen Forbes