Isinusulong ni dating Senator Ping Lacson, isa sa mga pambato ng administrasyon sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang dagdag na kapangyarihan para sa Commission on Audit (COA).
Aniya, bagamat natutukoy ng COA ang mga katiwalian ay tali naman ang kamay nito dahil hanggang rekomendasyon lang ang maaari nilang ibigay.
At kapag hindi inaksyunan ng ahensyang pinasahan nito ng datos ay mauuwi sa wala.
Kaya maganda aniya na magsulong ng panukalang batas para bigyang kapangyarihan ang COA na magsimula ng imbestigasyon, at maghain ng kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian.
“Maganda kasi sa legislation dagdag natin ang power ng COA. Kasi ang COA ngayon findings, recommendatory, pasa sa kung anong ahensya. Mas maganda kung bigyan natin ng mandato na pwede sila mag-initiate ng investigation at mag-file ng kaso,” saad niya sa isang panayam.
Inihalimbawa ni Lacson ang kaso kung saan nag-issue ang COA ng mga notice of suspension at disallowance sa Department of Agriculture noong 2023, na umabot ng P7.3 bilyon para sa iba’t ibang bagay kabilang ang “irregular monetization of leave credits.”
Nguni’t kung hindi umakto ang ahensyang pinasahan ng COA ng datos, wala nang mangyayari,
“(Paano kung) walang gana ang napagpasahan ng datos, at hindi na mag-initiate? Unlike kung COA na bigyan mo ng power na mag-file ng kaso sa DOJ o sa Ombudsman, passion nila yan. At pinaghirapan nila yan, alam nila. Absorb na absorb nila kung ano ang kanilang inimbestigahan,” aniya.
Kasabay nito dapat din aniya palakasin ang oversight function ng Kongreso. | ulat ni Kathleen Forbes