Itinalaga si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman bilang Auxiliary Vice Admiral ng Philippine Coast Guard Auxiliary sa isang seremonyang isinagawa sa Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
Maliban kay Secretary Pangandaman kasamang na-promote din sina Usec. Goddes Hope Libiran at Wilford Will Wong bilang mga Auxiliary Rear Admiral. Itinalaga rin bilang bagong miyembro ng PCGA Executive Squadron sina Diana Camacho-Mercado at Ramon Vicente Asuncion bilang Auxiliary Commodores.
Kasama rin nilang pinarangalan ang ilang miyembro ng PCGA kung saan iginawad sa kanila ang Outstanding Achievement Medal, Merit Medal, at PCG Red Cross Award dahil sa katapatan sa tungkulin.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Admiral Gavan ang pasasalamat ng PCG sa patuloy na suporta ng DBM, partikular sa pondong kinakailangan ng Coast Guard upang maisakatuparan ang mga layunin nito sa pagtataguyod ng pambansang seguridad. | ulat ni EJ Lazaro