Malaki na ang ibinaba ng kaso ng dengue sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, bumaba na sa 90% ang kaso ng dengue sa lungsod mula Pebrero hanggang Abril.
Katumbas ito ng 64 na kaso na lamang ng dengue mula Abril 2 hanggang 8 kumpara sa 626 na kaso ng dengue na naitala mula Pebrero 16 hanggang 22.
Mayroon na ring 123 barangay ang cleared na sa dengue outbreak status.
Sa kabila nito, tuloy ang pinaigting na hakbang ng LGU kabilang ang malawakang clean-up drive sa mga lugar na pinamumugaran ng lamok, fogging at spraying, at larviciding.
“While we have already scaled down our interventions in barangays under low alert, we must continue to keep our communities clean and vigilant—especially when it comes to the health of our children,” pahayag ni Belmonte.
Kasunod nito, hinikayat din ng alkalde ang QCitizens na panatilihing malinis ang kapaligiran para makaiwas sa sakit na dengue. | ulat ni Merry Ann Bastasa