Binigyang-diin ni House Committee on Government Reorganization Chair Jonathan Keith Flores ang malaking tulong ng pagiging ganap na departamento ng NEDA na ngayon ay tatawagin nang Department of Economic Planning and Development o DepDEV.
Ayon kay Flores, na pangunahing nagsponsor sa panukala noon sa Kamara, bilang pangunahing ahensyang tagapayo sa iba pang mga ahensya, marapat lang na gawin na itong isang full-fledged department.
Mas magiging maganda rin aniya ang koordinasyon ng DepDEV sa DBM at DOF sa kung paano mas maayos na magagastos ang budget ng gobyerno.
“The thing is, pag may meetings na between agencies, parang lower in rank yung tingin sa kanila. And yung the agency itself is very limited in terms of its size. Kasi nga, hindi siya department level. Ang dami na binibigyan nila ng advice and the technical na aspeto sa things that is being done in government, that it’s parang proper naman na gawin talaga silang isang department. Para at least it will go hand in hand with the planning — DBM sa budget and finance on where to get the money. Silang tatlo dapat yung tumutulungan doon.
Para mas aligned yung system of how we spend our money,” paliwanag ni Flores.
Makatutulong aniya ito sa pagtugon sa kahirapan dahil magtutuloy-tuloy ang mga programa para sa poverty alleviation.
May mga pagkakataon kasi aniya na, depende sa administrasyon, ay iba ang nagiging focus ng pamahalaan.
Kaya naman sa pamamagitan ng DepDEV ay magiging responsive ang paglalatag at pagpa-plano ng mga programa at pondo at hindi maaapektuhan ng political cycle.
“Yung DepDEV kasi, once it is there and yung law natin provides that it will transcend political cycles. Kasi minsan may administration na ito yung focus niya, yung next administration, ito yung focus niya. But if it is planned na may long-term plans tayo through the Department of Development, hindi siya affected by the changes in administration. So, ano man yung kailangan natin i-address — like let’s say poverty — we continue addressing poverty regardless of who is in control of the administration,” sabi pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes