Nakamit ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang paborableng desisyon mula sa Korte Suprema (SC) hinggil sa kapangyarihan nitong mag-accredit ng external auditors.
Ito ay para sa mga sakop nitong entity kabilang ang mga pampublikong kumpanyang nakalista sa stock exchange at mga investment firm.
Sa isang 18-pahinang resolusyon ng Mataas na Hukuman, kinikilala nito ang awtoridad ng SEC na mag-accredit ng mga sertipikadong pampublikong accountant (CPA), na nagsisilbing external auditors ng mga korporasyong naglalabas ng rehistradong securities at may hawak ng secondary licenses.
Pinagtibay ng SC ang bisa at konstitusyonalidad ng Rule 68, Paragraph 3 ng implementing rules and regulations ng Securities Regulation Code, pati na rin ang Revised Guidelines on Accreditation of Auditing Firms and External Auditors.
Ito ay taliwas sa naunang hatol, na nagsasabing walang bisa at labag sa konstitusyon ang mga nasabing regulasyon.
Ang mga regulasyong ito ay nagtatakda ng mga patnubay at rekisitos sa akreditasyon ng mga external auditor ng mga sakop na entity gaya ng investment firms, pati na rin ang lending at financing companies.
Ayon sa SEC, ang kaso ay nag-ugat mula sa reklamong isinampa ng 1Accountants Party-List Inc., na nagsasabing lumampas ang ahensya sa mandato nito sa paglalabas ng mga naturang regulasyon.
Anila, ang awtoridad sa pangangasiwa, pagkontrol, at regulasyon ng propesyon ng accountancy ay nakatalaga sa Board of Accountancy (BOA).
Pero nilinaw ng Korte Suprema, na ang akreditasyon ng SEC ay hindi pumapalit sa regulasyon ng BOA kung hindi isang mekanismo upang higit pang mapabuti ang pagsusuri sa pananalapi ng mga sakop na mga kumpanya. | ulat ni Melany Valdoz Reyes