Epektibo nitong March 31, 2025 ay pormal nang nagsimula na sa kanilang tungkulin si Sangguniang Panlungsod 7th Member Rio Virgilio R. Esteves bilang Acting Mayor ng Urdaneta City at Sangguniang Panlungsod 8th Member Blesildo F. Sumera bilang Acting Vice Mayor ng lungsod.
Ito ay batay sa naipadalang memorandum na nilagdaan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Region 1 Director Paul Leusen Jr. kay DILG Secretary Jonvic Remulla, matapos masuspinde sa kanilang posisyon sina Urdaneta City Mayor Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno, na parehong napatunayang guilty sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority ayon sa Malacañang.
Pinangunahan na ni Esteves at Sumera ang flag raising ceremony nitong Lunes, March 31, sa Urdaneta City Hall, sa harap ng mga residente ng lungsod at mga empleyado.
May dalawang linggo na rin mula nang makordon ng mga tauhan ng DILG at PNP ang City Hall, kaya’t hindi na muling nakapasok ang magpinsang Parayno.
Dahil tumanggi ang City Councilor Number 1 hanggang Councilor Number 6 na umupo sa posisyon na naiwan ng mga Parayno, sila ay kakasuhan ng dereliction of duty alinsunod sa Local Government Code of the Philippines.
Nilinaw din ng DILG, na lahat ng pinirmahang dokumento ng mga Parayno matapos ang suspension order noong January 7 ay hindi kinikilala ng Commission on Audit (COA), Land Bank, at iba pang ahensya ng gobyerno, dahil ito ay illegal at maaaring mauwi sa kasong usurpation of authority. | ulat ni Merry Ann Bastasa