Sa gitna ng lumalalang kaso ng paggamit ng sigarilyo at vape sa bansa, nanindigan ang Department of Health (DOH) na hindi ito tatanggap ng anumang tulong o donasyon mula sa tobacco industry—maging sa ahensya, mga opisyal, o alinmang yunit nito.
Ito ang naging pahayag ng DOH sa gitna ng mga batikos matapos makita si Sec. Teddy Herbosa sa larawan kasama ang mga opisyal ng Philip Morris Fortune Tobacco Co. sa isang turnover ceremony ng mobile laboratory clinics at water station na donasyon sa DSWD noong Marso 20.
Depensa ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Atty. Claire Castro sa press briefing noong nakaraang linggo, hindi donasyon para sa DOH ang mga tinanggap na kagamitan, at dumalo lamang si Herbosa sa naturang aktibidad sa Malacañang.
Kaya bilang tugon, iginiit ng DOH na patuloy ang kanilang pagpapatupad ng smoke-free at vape-free policies, kabilang na ang pagtanggi sa anumang ugnayan o suporta mula sa tobacco industry.
Sang-ayon naman sa pinakahuling datos ng 2023 National Nutrition Survey, tumaas sa 24.4% ang paggamit ng tabako sa mga Pilipinong edad 20 hanggang 59, mula 19% noong 2021. Bunsod nito, binigyang-diin ng DOH na ang paninigarilyo ay pangunahing sanhi ng mga sakit sa puso, baga, at kanser—na siyang nangungunang dahilan ng pagkamatay sa bansa. Kasama rin sa mga epekto ng paninigarilyo at paggamit ng vape ang EVALI, diabetes, at iba pang malalang kondisyon sa kalusugan.
Panawagan din ng kagawaran, maaaring gamitin ng publiko ang DOH Quitline 1558 at iba pang serbisyong pangkalusugan upang tuluyang makalaya sa bisyo ng paninigarilyo at pagva-vape. | ulat ni EJ Lazaro