Nagbabala si Transportation Secretary Vince Dizon sa apat na bus companies na gumagamit ng iligal na terminal sa EDSA Malibay, Pasay City.
Ito ay matapos magsagawa ng inspeksyon ang kalihim sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), kung saan nakita ang kondisyon ng ilang pasahero sa terminal ng Philtranco, Mega Bus, Ten Ten, at RMB Bus.
Ayon kay Dizon, wala umanong sapat na pasilidad tulad ng upuan, C.R, bubong, at bentilador ang nasabing mga terminal. Giit ng kalihim, hindi katanggap-tanggap ang ganitong serbisyo lalo’t regular ang bayad ng mga pasahero.
Inatasan niya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatawag ang naturang mga kumpanya at pag-aralan ang mga posibleng parusa.
Makikipagtulungan din ang DOTr sa MMDA, PNP, LTFRB at LTO para tuluyang matigil ang ganitong uri ng operasyon. | ulat ni Diane Lear