Isang on-site donation drive ang isasagawa ngayong araw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Central Office nito sa Batasan Hills, Quezon City.
Bahagi ito ng kampanya ng DSWD para palawakin ang kaalaman ng lahat sa Kaagapay Portal na mas madaling paraan ng pagbibigay ng donasyon nang direkta sa mga benepisyaryo.
Hinikayat ni DSWD Assistant Secretary Ana Maria Paz Rafael ang focal office ng donations portal ng ahensya, ang lahat ng opisyal at empleyado, anuman ang kanilang employment status, na lumahok sa nasabing donation drive.
Sa pamamagitan aniya ng pakikipagtulungang ito, magkakaroon ang lahat ng pagkakataong personal na makapag-ambag sa mga nangangailangan, mismo sa DSWD Central Office.
Sinabi rin ng opisyal ng DSWD na magsisilbi rin itong orientation sa bagong aplikasyon kung saan matututunan ng mga empleyado kung paano gamitin ang online system.
Kabilang sa mga katuwang na itatampok sa aktibidad ay ang GCash, PayMaya, FortunePay, J&T Express, Grab, at Lalamove.
Ang Kaagapay Donations Portal ay isang online platform kung saan maaaring magpadala ng donasyong salapi ang mga nagkakawanggawa para sa disaster relief operations ng DSWD at/o para sa mga donasyong salapi at in-kind sa mga sentro at residential care facilities (CRCFs) ng ahensya. | ulat ni Merry Ann Bastasa