Umabot na sa P132.2 M ang halaga ng tulong na naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar naapektuhan ng pagalburoto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Ayon sa DSWD, kabilang sa tulong na naipaabot na sa mga apektadong pamilya ay mga family food packs (FFPs) at non-food items tulad ng family kits at sleeping kits partikular sa mga nananatili sa evacuation centers.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, nanatili sa higit 2,000 pamilya o 8,315 na indibidwal ang nasa evacuation centers dahil sa pagputok ng bulkang Kanlaon sa Western at Central Visayas.
Available pa rin naman ang nasa P2.8-B pondo ng ahensya sakaling mangailangan ng karagdagang tulong ang mga komunidad sa Negros Island. | ulat ni Merry Ann Bastasa