Nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa patuloy na pagpapabuti at pagpapalawak sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo na layong tugunan ang kagutuman sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Irene Dumlao sa panayam ng Radyo Pilipinas, kung saan tinalakay ang mga intervention ng Marcos Administration sa kabila ng tila bahagyang pagtaas sa 27.2 percent ng hunger rate ayon sa SWS survey nitong Marso 2025.
Ayon kay Asec. Dumlao, patuloy na kumikilos ang gobyerno sa pangunguna ng DSWD upang labanan ang kagutuman at malnutrisyon, sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at serbisyo tulad ng Walang Gutom (Food Stamp) program, Walang Gutom Kitchen at Supplementary Feeding Program sa mga child development center.
Paliwanag pa ni Dumlao, nasa mahigit 300,000 household benificiaries ang kasalukuyang nakikinabang sa naturang programa, at plano pa umano ng ahensya na palawakin ito sa susunod na taon upang madagdagan pa ang mga makasama sa programa ng ahensya.
Sa ilalim ng Walang Gutom Program, bawat benepisyaryo ay mayroong electronic benefit transfer card na naglalaman ng P3,000 monthly food credits kung saan maaari silang makabili ng mura at masustansyang pagkain sa ilang accredited retailers nito tulad ng Kadiwa ng Pangulo outlets sa bansa.
Pagbabahagi pa ng opisyal, na ang Walang Gutom Kitchen na nagsimula na sa kanilang pilot implementation sa Pasay City ay nakatakdang ipatupad pa sa iba’t ibang dako ng bansa, dahil nakita ng ahensya ang laki ng tulong at benepisyo nito sa ating mga kababayan.
Dagdag pa ni Dumalo, na ang pamahalaan ay nakatutok at ginagawa ang lahat ng hakbang at iba pang intervention upang maibsan ang gutom at malnutrisyon ng mga Pilipino. | ulat ni Rigie Malinao