—
Hindi nagustuhan ni Senate President Chiz Escudero ang naging pahayag ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Senadora Imee Marcos na nakasalalay ang kalayaan ng senado sa pag-apruba ng pagpapadala ng subpoena laban sa mga opisyal ng ehekutibo.
Giit ni Escudero, ang pagiging malaya ng senado ay hindi pinapatunayan sa bawat insidenteng kagustuhan ng isang miyembro ng mataas na kapulungan.
Makikita at mapapatunayan aniya ito sa direksyon na tinatahak ng kanilang institusyon.
Sa naging pagdinig kasi ngayon ng kumite ni Senadora Imee, halos lahat ng mga opisyal mula sa ehekutibo ay hindi dumalo dahil una nang iginiit ng Malacañang, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang executive privilege.
Kaya naman, pinapasubpoena ng kumite ang mga executive officials na hindi dumalo.
Una nang sinabi ng senate leader na pinapaaral pa niya sa legal team ng senado ang subpoena dahil taliwas ito sa executive privilege.
Tiniyak ni Escudero na hindi niya hahayaang mauwi sa Constitutional Crisis ang sitwasyon.
Hindi aniya aaksyunan ni Escudero ang panibagong pinapasubpoena ni Senadora Imee hangga’t walang resulta ang pag-aaral ng legal ng senado. | ulat ni Nimfa Asuncion