Maaari na muling magamit ng Philippine Air Force (PAF) ang mga FA-50 fighter jet, ilang linggo matapos ang pagbagsak ng isang unit nito sa Bukidnon na ikinasawi ng dalawang piloto.
Ayon kay Air Force Spokesperson, Col. Ma. Consuelo Castillo, pinayagan nang muling makalipad ang mga nabanggit na eroplano matapos ang isinagawang pagsusuri sa mga ito.
Bahagi kasi aniya ng Standard Operating Procedure (SOP) ang grounding sa mga naturang eroplano matapos masangkot sa pagbagsak ang isang unit nito upang tiyaking walang teknikal na problema ang nalalabi sa wing.
Dahil inalis na ang grounding sa mga FA-50 jets, sinabi ni Castillo na isasabak nila ang mga ito sa nalalapit na COPE Thunder Exercises kasama ang Estados Unidos mula April 7 hanggang April 8. | ulat ni Jaymark Dagala