Pinatitiyak ni Senador Sherwin Gatchalian sa pamunuan ng Light Rail Transit line 1 (LRT1) na masasabayan ng de-kalidad na serbisyo ang pagtataas nila ng pamasahe.
Giniit ni Gatchalian na kailangan siguruhin ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa LRT-1, na maibibigay sa mga pasahero ang mas maayos at episyenteng sistema ng pampublikong transportasyon.
Kasama na dito ang pagpapataas ng bilang ng mga tren na bumibiyahe, pagpapatupad ng mas mabilis na fare collection system, at pagpapalakas ng seguridad sa mga istasyon at tren.
Dinagdag din ni Gatchalian ang pangangailangan ng mas maayos na mga pasilidad sa istasyon tulad ng malilinis na palikuran, komportableng waiting areas, at functional na access features gaya ng elevators at escalators para mapadali ang biyahe ng mga pasahero.
Ayon sa LRMC, ang taas-pasahe ay naglalayong pondohan ang pagpapabuti ng pasilidad at operasyon ng LRT-1, kabilang na ang pinalawig nitong operating hours.
Dapat aniyang maramdaman agad ng publiko ang mga ipinangakong pagbabago, at hindi maging pabigat lang ang taas-pasahe. | ulat ni Nimfa Asuncion