Nais ni Representative Luis Campos Jr. na magsagawa ng isang feasibility study ang National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa isang malakihang infrastructure project, na tutugon sa mabigat na daloy ng trapiko at pagbaha.
Sa kaniyang House Resolution 2130, itinutulak ng mambabatas na magsagawa ng pag-aaral sa pagtatayo ng dual purpose na road tunnel at flood control channel sa ilalim ng EDSA.
Aniya, ang 23.8 na kilometrong EDSA ay binabaybay ng higit 400,000 na sasakyan, higit sa 288,000 na design capacity nito.
Habang nakakaranas din aniya ng pagbaha sa ilang parte ng highway.
“EDSA is overstretched and flood-prone. We need bold, long-term infrastructure solutions that address both traffic congestion and climate-driven flooding,” ani Campos.
Punto pa niya, na hindi lang nito sosolusyunan ang kasalukuyang problema sa EDSA bagkus ay para rin sa hinaharap bunsod ng mabilis na urbanisasyon.
Isa aniya sa maaaring gayahin ay ang SMART Tunnel sa Kuala Lumpur sa Malaysia, na isang daanan at nagiging stormwater diversion system kapag may malakas na pag-ulan. | ulat ni Kathleen Forbes