Naglabas ng gabay ang pamunuan ng Intramuros ngayong Semana Santa para sa mga bibisita sa tinaguriang “The Walled City” ng Maynila.
Ayon sa Intramuros Administration, layon ng naturang gabay na imbitahan ang lahat na bumisita sa makasaysayang lugar at maging makabuluhan ang pagdalaw ng mga ito.
Sa nasabing Semana Santa 2025 guide, makikita ang mga mahahalagang impormasyon patungkol sa Intramuros.
Kabilang ang mismong mapa nito, kung saan makikita ang mga mahahalagang lugar gaya ng kainan, parking areas, information area, CR, first aid station, at iba pa.
Nakalagay din sa nasabing guide ang rates ng parking area sa loob ng Intramuros gayundin ang pamasahe sa iba’t ibang klase ng transportasyon.
May listahan din ng mga simbahan, kapilya, mga schedule nito, at mga lugar na pinangangasiwaan ng Intramuros Administration.
Mayroong ding Emergency Hotlines at Intramuros Administration Hotline sa nasabing gabay.
Paalala ng pamunuan ng Intramuros, magsuot ng kumportable at disenteng damit, obserbahan ang tamang asal sa loob ng simbahan, ugaliing uminom ng tubig, at huwag magkalat.
Para sa karagdagang impormasyon bisitahin lamang ang Facebook page ng Intramuros Administration (https://www.facebook.com/OfficialIntramurosAdministration). | ulat ni Lorenz Tanjoco