Upang matiyak na maramdaman ng ordinaryong Pilipino ang bumababang inflation, tuloy-tuloy ang pagsisikap ng pamahalaan upang masiguro ang abot-kayang presyo ng pagkain sa merkado.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ang 1.8% inflation ay makatutulong upang mapagaan ang pasanin ng mga nasa vulnerable sector, partikular na ng mga low-income families.
Kabilang sa mga hakbang ng gobyerno ang pagpapalawak ng alokasyon ng bigas para sa mga mahihirap sa pamamagitan ng mga tindahang KADIWA, at ang paglulunsad ng grains terminal at trade station sa Batangas upang suportahan ang mga lokal na magsasaka.
Patuloy rin ang maagap na pag-aangkat ng isda at baboy, mas mahigpit na regulasyon sa importasyon, pagpapahusay ng cold storage technologies, at pagpapabuti ng koordinasyon sa supply chain.
Ayon sa Department of Finance (DOF), mananatili ang mahigpit na border measures at bibilisan ang pagbabakuna kontra African Swine Fever (ASF).
Upang labanan ang manipulasyon ng presyo at hindi makatarungang kalakalan, nagsagawa ng unang pulong ang Anti-Agricultural Economic Sabotage (AAES) Council at bumuo ng mga grupong tututok sa proteksyon ng parehong mamimili at mga producer.
Sa pangmatagalan, inaasahang mapapalakas ng mga structural reforms tulad ng pagpapalawig at pagpapalawak ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang production sector, at magdadala ito ng mas matatag na presyo ng bigas. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes