Photo courtesy of Department of Agriculture RFO X
Ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA)-Regional Field Office X ang mahigit ₱100 milyong halaga ng tulong pang-agrikultura sa mahigit 100 Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) at 21 Local Government Units (LGUs) sa rehiyon ng Northern Mindanao kamakailan.

Kabilang sa mga ipinagkaloob ang mga farm tractors, combine harvesters, delivery trucks, poultry at goat houses, at iba pang mga kagamitan sa pagsasaka.
Bahagi ito ng inisyatiba ng pamahalaan na mapababa sa single digit ang antas ng kahirapan sa bansa pagsapit ng 2028 sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mas malawak na programang pangkaunlaran sa agrikultura.

Hinihikayat ni DA-10 Regional Executive Director Jose Apollo Pacamalan ang mga magsasaka at LGUs na magparehistro sa information system ng kagawaran upang mapadali ang pagbibigay ng tulong at solusyon sa mga problema sa sakahan.
Nagpasalamat naman si Talangisog Farmers’ Association President Ancito Salinay, mula sa Gingoog City sa pamahalaan, dahil malaking tulong ang kanilang natanggap para sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan at komunidad. | ulat ni Sharif Timhar | RP Iligan