Pinawalang-bisa na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang nasa ₱17.7 milyong utang ng Ricop Monkayo Farmworkers Agrarian Reform Cooperative (RIMFARCO) sa Jaguimitan, Monkayo, Davao de Oro.
Kasunod ito ng pamamahagi ng Certificate of Condonation with Release of Mortgage (COCROM), na nag-aalis ng obligasyon ng kooperatiba sa pagbabayad ng amortisasyon sa lupa.
Pinangunahan nina DAR-Davao de Oro Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Brenda Mendoza at Municipal Agrarian Reform Program Officer (MARPO) Gilberto Cajulao ang seremonya ng paggawad ng COCROM, kasama ang iba pang opisyal ng DAR at mga kasapi ng RIMFARCO.

Ayon sa DAR, nasa 132 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa RIMFARCO ang makikinabang sa condonation na sumasaklaw sa 278.28 ektarya ng lupaing agrikultural.
Dahil dito, magkakaroon ng mas maraming pondo ang kooperatiba upang mapaunlad ang produksyon at agrikultura.
Matatandaang sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., lahat ng hindi pa nababayarang amortisasyon, interes, at multa ng mga ARB para sa mga lupang ipinagkaloob ng DAR ay pinapatawad na. | ulat ni Merry Ann Bastasa
