Nilinaw ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na bahagi ng pagprotekta sa mga boto ang hindi agad paglalabas ng pangalan ng mga kandidatong ibinoto ng mga Overseas Filipino online.
Ginawa ang pahayag matapos mangamba ang mga OFW dahil hindi nila nakita ang mga pangalan ng kanilang ibinoto sa isinagawang online voting.
Paliwanag ni Chairman Garcia, maaaring ma-verify ng mga Pilipino abroad kung tama ang pangalan ng kanilang mga ibinoto sa pamamagitan ng isasagawang random manual audit.
Matapos bumoto, lalabas ang machine-readable code, at pagtapos ng botohan sa Mayo 12 ay magagamit na ang code para makita ang pangalan ng kanilang binoto.
Iniiwasan din ng COMELEC na magamit ang resibo na naglalaman ng mga binotong kandidato sa vote buying. | ulat ni DK Zarate