Pinuna ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos makatanggap ng mga reklamo sa hindi pagpapatupad ng PhilHealth’s Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package.
Ang OECB package, na sinimulang ipatupad noong Enero ngayong taon sa ilalim ng PhilHealth Circular No. 2024-0033, ay sumasaklaw sa lahat ng outpatient services at mga pangangailangang medikal sa mga PhilHealth-accredited na pasilidad.
Kasama ang serbisyo sa Emergency Department at mga extension facility nito—kabilang na ang mga serbisyo bago pa makarating ang pasyente sa ospital, habang isinasakay patungo sa pasilidad, mga diagnostic test gaya ng X-ray, MRI, CT Scan, at iba pang mahahalagang serbisyong pang-emergency at gamot.
Ayon sa PhilHealth Circular, ang benepisyong ito ay hindi nangangailangan ng hospital admission o confinement.
Sinabi ng mambabatas na sumulat siya kay PhilHealth Acting President at Officer-in-Charge Dr. Edwin Mercado noong Marso 23 upang hingin ang paglilinaw ukol dito.
Sa nasabing liham, binanggit ni Lee ang dalawang billing statement mula sa dalawang ospital kung saan lumabas na walang anumang PhilHealth coverage para sa emergency room expenses ng dalawang pasyente, na nagpapakita na hindi ito kinikilala o ipinatutupad.
Dahil dito, nanawagan ang party-list group , na agarang tugunan ng PhilHealth ang usaping ito.
Hinimok din nito ang PhilHealth na agad magbigay ng update at tiyakin ang maayos at mabilis na pagpapatupad ng OECB package. | ulat ni Melany V. Reyes