Hindi na ikinagulat ni Assistant Majority Leader Jay Khonghun ang naging resulta ng survey ng Centre for Student Initiatives (CSI) kung saan lumabas na walo sa sampung Filipino college students — o 84.8% ay naniniwalang dapat maalis sa puwesto si VP Sara Duterte.
Aniya ipinapakita nito ang malaking kawalan ng tiwala sa bise presidente ng mga kabataan at mag-aaral na marahil ay naabutan ang kaniyang pagiging kalihim ng DEPED, dahil sa hindi umano niya magandang pamamalakad sa kagawaran.
Kasama na aniya dito ang alegasyon ng bribery at korapsyon sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
“Kung ganito ang klase ng pamumuno niya sa DepEd, hindi naman kataka-taka kung bakit maraming estudyanteng naniniwalang dapat na siyang matanggal sa pwesto. Dagdag pa natin d’yan ang usapin na hindi naman talaga hinarap ng bise presidente ang mga problema ng mababang kalidad ng edukasyon, kakulangan sa mga gamit, at iba pang isyu sa DepEd noong termino niya,” ani Khonghun.
Tinanong ang 2,000 respondent kung naniniwala sila na dapat maalis sa pwesto ang bise.
1,696 o 84.8% ang sumagot ng oo habang 73.9% o 1,477 ng respondents ang nais din na mag convene na ang impeachment court bago ang eleksyon sa Mayo.
Hirit naman ni Khonghun na pakinggan ang pulso ng kabataan dahil sila ang pinakaapektado sa mga desisyon at pagkukulang ng isang lider na nagkulang sa kanyang tungkulin. | ulat ni Kathleen Forbes